Tatlo ang nagsabing handa, isa ang atras-abante, Una si Senyorita, pulot na anak ng dating payaso na taga-ibang kaharian na sinusulsulan ng kanyang bise na si Keso. Samantalang, si Kulas na ayudante-anino ng Hari at benditado na para lumaban gamit ang makinarya ng kaharian. At ang pangatlo ay si Negro na lalong nangitim na yata dahil sa walang tigil na bintang at negatibong balita. Pang-apat lang ang urong sulong at dating lider lokal na si Boy Baril na kinukulit ng bise niyang aplikante. Meron ding kaso siya na iniimbestigahan ng Ministro ng Katarungan dahil sa kanyang mga “death squads” noon.
Habang palapit ang deadline, todo bigay ang “mind-conditioning” ng mga survey firms ni Kulas at pinaniniwala tayo na dikit na ang labanan at paakyat siya. Siyempre laglag sa survey ang kanyang mga kalaban, sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nagkakalituhan din dahil tig-dalawang beses nagsurvey ang “S-WAGAS” at ang “FALSE SIYA”. Matindi ang “timing” lalot panahon ngayon ng mga nagbibigay donasyon sa kampanya.
Si Negro, bagamat nauna nang nakaipon sa pangkampanya sa maagang nagdeklara, ay ipit din sa gastos ngayon dahil “frozen” ng kaharian ang kanyang ari-arian. Buti na lang , meron siyang naitagong panggastos sa halalang ito. Gayunpaman, marami pa rin ang tumutulong sa paniniwalang malaki pa rin ang panalo.
Pero si Senyorita , pupugak pugak ang dating ng donasyon dahil sa kwestyon kung disqualified siya o hindi. Bagamat may mga nangangako nang backer lalo na galing sa bise niyang si Keso, problema din ang pagsabi ng isang mahistrado na hindi siya natural born at hindi dapat tumakbo.
Naniniwala kasi ang Laglagan party ni Kulas na kapag nawala si Senyorita, sa kanya mapupunta ang boto nito at matitiyak ang kanyang panalo. Kaya naman, sa ikalawang survey ng “FALSE SIYA”, nagsingit ng tanong kung kanino mapupunta ang boto sakaling madisqualify ang babae. Sa kanya ba o kay Negro ? At, ang naging resulta ay taliwas sa inaasahan. Well , hindi siyempre inilabas nito ang detalye. Pero, may nakasilip ritong “espiya” at lumitaw na mapupunta karamihan ng boto kay Negro hindi sa kanya.
Gimbal ang mga political strategists ni Kulas na kapag nawala pala si Senyorita , si Negro ang mananalo. Kaya naman , ang naisip ngayon ay lalo pang basagin ang boto nito. Bukod sa tuluy tuloy ang mga imbestigasyon sa kanya, at sangkatutak na kasong isinampa, kailangan ang papel ng isa pang kandidato. Ayon sa mga eksperto, kapag tumakbo si Boy Baril , mababawasan ng boto si Boy Negro . Kaya naman, bumubuhos ngayon ang pangakong campaign funds sa kandidato ng Taga-isla.
May naunang nag-alok ng 1-B fund kay Boy Baril pero pahele-hele pa rin, ngunit matapos itong ‘FALSE SIYA” survey, me natanggap siyang bagong alok, 5-B “reasons” na galing sa mga negosyanteng taga-isla din ngunit kilalang Ka-Negosyante ng Kaharian. Kaya ngayon, tuliro si Boy Baril sa tindi ng alok at kunyari hindi niya alam na ito’y galing sa grupo ni Kulas , na alam nating gagawin ang lahat para ituloy ang lansangan ng Hari. Kaya’t maski may sakit siya at natsi-tsismis na may problema sa lalamunan o colon , mukhang masisilaw na ito.
Pero, ang tanong, kapag apat na kandidato ang tumakbo, mananalo ba si Kulas? Hindi kaya si Negro ang manalo sa tapat dahil sa solidong boto nito sa masa? Paano kung magkadisgrasyahan at ang manalo ay si Boy Baril? Malaki ba ang panalo ni Senyorita kapag apat ang lumaban?
Sa mga contender naman sa bise, si Kulas, may Doblado at si Senyorita ay may keso, samantalang si Negro ay katambal si Kukurukuku. Si Bilyones ay matalino at kumabit na bise kay Senyorita kahit na ang opisyal na bise nito ay si Keso. Si Bully naman ay panay ang ligaw kay Boy Baril. Nagpakana pa ng kakaunting “million people rally sa Luneta” at ngayo’y nagpakalat ng mga poster sa maraming poste sa M. Manila. Nag-proklama pa sa Mindanao sa mismong lungsod ni Boy Baril, pero, mukhang malabo pa rin.
Pinakamagulo ang sitwasyon nitong anak ng dating hari na nagbabalik palasyo na si Bongetillo nakung sinu-sino na ang kinausap . May sariling partido, may sariling pondo at balwarte, pero nagdadalawang isip daw ito kung kanino kakampi . Pinaasa pero umalis kay Negro, nagpi-prisinta kay Boy Baril pero tinanggihan doon at ngayo’y kinakausap naman si Erap sakaling tumakbo ito.
Ang tsismis sa kaharian, sabi ng isang malapit na adviser ni Bongetill0, ang dapat daw ay magbise siya kay Boy Baril. Nagulantang ako ng malaman ko kung bakit. Dahil daw “ mas mauuna raw mawawala” ito kaysa kay Negro . Hindi ko mawari kung nagbibiro o nagsasabi ng totoo.
Sa patuloy na pag-ikot ng pulitika, ang mga mamamayan ng Tra-la-la ay lumalaban pa rin sa kahirapan ng buhay, nagtitiis sa buhul-buhol na trapiko, walang kwentang mass transport system, mataas na singil sa kuryente , tubig habang binubugbog naman sa buwis . Umaasa pa rin sila na merong pagbabagong mangyayari sa mahal nilang bansang Tra-la-la na langit ng iilang mga mayayaman, impyerno naman sa mahihirap.
At sana naman ang susunod na hari sa Kaharian ng Tra-la-la ay isang “masipag”, “may desisyon’, may pambansang “vision” at ang pinaka-importante sa lahat, ang magiging pamamahala ay tunay na para sa BAYAN , HINDI PARA SA IILANG NEGOSYANTE.