Walang balak si incoming Philippine National Police Chief Oscar Albayalde na palitan ang mga programa ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albayalde na sa mga nakalipas na panahon, walang naging epektibong programa sa peace and order dahil sa kawalan ng continuity.
Kapag may nauupo aniyang bagong PNP chief, babaguhin ang programa na may bagong acronym para maisunod lamang sa kani kanilang pangalan.
Ayon kay Albayalde, ipagpapatuloy na lamang niya ang mga programa ni Dela Rosa.
Hindi aniya madidisiplina ang sosyodad kung hindi muna madididisiplina ang mga pulis.
Sa ngayon, wala pang napipiling kapalit si Albayalde sa kanyang iiwang puwesto sa National Capital Region Police Office (NCRPO).