Hindi maipapangako ni incoming Philippine National Police Chief Director Oscar Albayalde na hindi na magiging madugo ang kampanya ng administrasyong Duterte kontra sa ilegal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albayalde na kapag nalagay sa peligro ang buhay ng mga pulis o kapag may nanlaban na mga drug personalities sa mga anti-drug oeprations, hindi padedehado ang mga pulis.
Marapat lamang aniya na ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang buhay kapag nakitang may panganib.
Nilinaw naman ni Albayalde na wala namang napapatay sa Oplan Tokhang dahil ang programang ito ay pakiusap lamang sa mga drug personalities na magsisuko na sa pamahalaan para sumailalim sa rehabilitasyon.
Ayon kay Albayalde, ang mga napapatay ay ang mga drug personalities na nanlalaban sa mga anti-drugs operations.