Handang tanggapin ng Duterte administration ang lahat ng rebeldeng isusuko ang kanilang armas at magbabalik-loob sa lipunan, magpatuloy man o hindi ang peace talks.
Ayon kay Interior and Local Government OIC Secretary Eduardo Año, ito ay patunay ng pagiging totoo ng gobyerno sa Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na nakatutok sa mga sumusukong miyembro ng New People’s Army at miyembro ng militia para maging mga produktibo at kapakipakinabang na miyembro ng lipunan.
Dagdag pa ni Año, katumbas ng ‘reintegration’ ang agarang tulong mula sa pamahaan tulad ng mobilization expenses na nagkakahalagang P15,000, livelihood assistance na 50,000, skills training, shelter at legal assistance.
Ayon kay Año, aabot na sa halos P60 million ang halaga ng financial assistance na ipinagkaloob sa mga rebel returnees, at 45 million pesos naman ang nagastos sa pagpapatayo ng mga pabahay.
Umapela rin ang kalihim sa pamilya o kaibigan ng mga rebelde na tulungan ang DILG na himukin ang mga ito na bumaba na mula sa kabundukan at samantalahin ang pagkakataong magbagong buhay.