Mga PAL flights patungong Kuwait, pansamantalang sususpendihin simula sa Mayo

Inquirer file photo

Pansamantalang sususpendihin ng Philippine Airlines (PAL) ang ilang flights patungong Kuwait simula sa May 16, 2018.

Sa abiso ng PAL sa kanilang Facebook page, “economically unsustainable” na anila ang patuloy na pagbabawas ng bilang ng mga overseas Filipino workers (OFW) na bumibiyahe papunta sa naturang bansa.

Giit ng PAL, nanatili ang ilang flights sa Kuwait para tulungang makauwi ng Pilipinas ang mga kababayang-Pinoy sa Kuwait noong mga nagdaang buwan sa kabila ng mababang demand nito.

Ngayong kumpleto na anila ang mga OFW na pinauwi mula Kuwait, sususpendihin muna ng airline company ang mga flights hanggang sa mapagbuti ang market condition sa naturang ruta.

Dahil dito, inabisuhan ng PAL ang mga maaapektuhang pasahero na mag-rebook ng biyahe o mag-refund ng kanilang tickets.

Sa mga nais mag-rebook na may Manila to Kuwait flight, maaari anilang magpa-book ng flight patungong Abu Dhabi, Dubai o Doha at dumaan sa ibang airline company para sa connecting flight patungong Kuwait.

Sa mga nais naman mag-rebook na may Kuwait to Manila flight, maaaring bumiyahe sa ibang airline company mula Kuwait patungong Abu Dhabi, Dubai o Doha at saka lumipat sa PAL pauwing Maynila.

Tiniyak ng PAL na sasagutin nila ang mga flights sa ibang airline company ng mga pasaherong nag-avail ng option 2.

Read more...