Isang panukalang batas na layong dagdagan ng P55 milyon kada taon ang pondo para sa giyera kontra droga ng pamahalaan partikular para sa tatlong ahensya ng gobyerno ang isinusulong at aprubado na ngayon ng isang komite sa Kamara.
Layon ng House Bill No. 1982 na dagdagan ang pondo ng Department of National Defense (DND), Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG).
Nais padagdagan ang pondo ng DND ng P30 milyon upang mapalawig ang mga aktibidad at programa ng kagawaran para mapigilan ang kalakaran ng iligal na droga.
Samantala ang BOC naman ay nais padagdagan ng P15 milyon at PCG ng P10 milyon para mapigilan ang pagpasok ng mga iligal na droga sa bansa.
Ayon sa pangunahing may-akda ng panukalang batas na si Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, ang karagdagang alokasyon sa pondo ng tatlong ahensya ay magreresulta sa pagkakaroon ng mas magandang mga polisiya upang mapigilan ang kalakaran ng bawal na gamot.
Sakaling maipasang batas, kada taon ay makatatanggap ang DND, PCG at BOC ng mga naturang halaga sa loob ng tatlong taon.
Pagbobotohan pa ang naturang panukala sa plenaryo ngunit sa ngayon ay kasalukuyan pang nasa recess ang mababang kapulungan.