Isang welcome mass at veneration rites para sa blood relic ni St. Pope John Paul II ang dinaluhan ng libu-libong katao sa Manila Cathedral – Basilica of the Immaculate Conception, Sabado ng umaga.
Nanguna para sa concelebrated mass si Luis Antonio G. Cardinal Tagle kasama ang rektor ng katedral at ang mga kaparian.
Ang naturang blood relic ay regalo sa Manila Cathedral ni Cardinal Stanislaw Dziwisz na dating sekretarya ng yumaong Santo Papa sa ika-60 anibersaryo ng muling pagkakatayo nito matapos ang post-war.
Sa kanyang homilya, hinimok ni Tagle ang mga mananampalataya na ipamalita sa bawat sulok ng mundo ang mabuting balita ng kasabikan ng Diyos na makapiling ang kanyang mga anak.
‘My dear brothers and sisters the Risen Lord wants to meet us and open our eyes. He wants to come to us. And when we have seen him, tell the Good News to the ends of the earth.” ani Tagle.
May pabirong hamon din ang Cardinal sa mga kawani ng media.
Anya dapat maging instrumento ang mga kawani ng media sa kung paano kumilos ang Diyos sa kanilang mga buhay.
‘And you media people, tell how the Lord has touch your lives. Tell the world. Tell them. I will look in the newspapers tomorrow about your reports on how you have seen the Lord.” dagdag pa niya.
Hinimok din ni Tagle ang mga mananampalataya na maging tulad ni St. Pope John Paul II na anya’y saksi sa katotohanan ukol sa panginoong muling nabuhay.
Inihayag din ni Tagle kung gaano kamahal ni St. Pope John Paul II ang Pilipinas sa pagiging susi nito sa Beatification ni San Lorenzo Ruiz at lalo na sa pagbisita nito sa bansa para sa World Youth Day noong 1995.
Samantala, bukas ang Manila Cathedral para sa mga nais mag-venerate sa blood relic hanggang alas-8 mamayang gabi at mula umaga hanggang alas-8 rin ng gabi bukas, araw ng Linggo.