Pacquiao, uunahin ang pagpapababa ng singil sa buwis sakaling maging senador

UntitledNakahanap ng kakampi ang mga nagsusulong ng reporma sa buwis sa katauhan ni boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

Ayon kay Pacquiao na nangungunang individual taxpayer at pinakamayamang kongresista, pabor siya sa hakbang ng Kamara na pababain ang singil ng income tax sa bansa.

Dahil dito, oras aniyang maging matagumpay ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador, pagtu-tuunan niya ng pansin ang nasabing reporma sa buwis at pagpapataas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno.

Para sa kaniya, mahalagang mapababa ang buwis na sinisingil sa mga empleyado kahit pa malaki ang magiging kabawasan sa kita ng gobyerno.

Ayon pa kay Pacquiao kung maayos na mapapangasiwaan ang pera ng bayan, hindi ito magiging problema at magiging mas maigi pa ito dahil mas malaking bahagi na ng kanilang sahod ang maiuuwi ng mga manggagawa.

Sa kabila naman ng mga pambabatikos sa kaniyang madalas na hindi pagsulpot sa Kongreso, tiniyak ni Pacquiao na kapag siya ay naging senador, seseryosohin niya ito at hindi na siya liliban dahil inaasahan na niya ang mas mabigat na obligasyon at tungkuling sasampa sa kaniyang mga balikat.

Read more...