Ito ang naging reaksyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde nang malaman na siya ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Albayalde, masaya siya sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kaniya ng pangulo.
Aminado rin si Albayalde na nasorpresa siya sa naging pasya ng pangulo lalo pa at hindi naman siya na-assign noon sa Davao – hindi gaya ni outgoing PNP Chief Ronald Dela Rosa at iba pang top contenders para sa nasabing pwesto.
Si Albayalde ay tubong San Fernando City sa Pampanga.
Nagpasalamat si Albayalde kay Pangulong Duterte at tiniyak na tuluy-tuloy ang gagawin niyang pagseserbisyo sa publiko.
Kaugnay nito, nagpasalamat din si Albayalde kay PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Sinabi ni Albayalde na nagpapasalamat siya sa suporta na ibinigay sa kaniya ng outgoing PNP Chief.
Malaking bagay aniya ang pag-endorso sa kaniya ni Dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte para siya ay mahirang bilang susunod na hepe ng pambansang pulisya.
Nangako si Albayalde kay Dela Rosa na hindi niya sasayangin ang tiwala na ibinigay sa kaniya ni Dela Rosa at ng pangulo.