Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang lalaki matapos itong pagsasaksakin sa loob ng isang mall sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Kinilala ang biktimang si Geroldo Ramon Lopez.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2, nagpunta si Lopez sa isang computer repair shop sa mall upang kuhanin ang kanyang ipinagawang laptop. Ngunit nakausap nito ang manager at suspek na si Leo Laab at sinabi ni Laab na hindi maaring kuhanin ni Lopez ang kanyang laptop dahil hindi nito dala ang kanyang resibo.
Nagtalo ang dalawa at makalipas ang ilang sandalo ay umali na ang biktima sa repair shop.
Ngunit bumalik si Lopez at muling nakipagtalo kay Laab. Dito na kumuha ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas si Laab.
Sinubukan pang dalhin ng mga security guard sa Sioson Hospital si Lopez ngunit idineklara itong dead on arrival.
Patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang nakatakas na suspek.