Mga senador nangangamba para sa libu-libong manggagawa sa Boracay

Hinahanap na ni Senator Nancy Binay ang konkretong plano para sa 35,000 nagta-trabaho sa Boracay ngayong tuloy na ang anim na buwan na pagpapasara sa pamosong isla.

Aniya bilang namumuno sa Senate Committee on Tourism inaasahan niya na may detalyadong plano ang gobyerno para sa mga mawawalan ng kabuhayan at ikinabubuhay dahil sa pagpapasara ng Boracay.

Dapat aniya nililinaw nang husto ng gobyerno sa mga maapektuhang trabahador kung ano ang maaring gawin sa kanila para patuloy na kumita.

Iginiit naman ni Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, hindi sasapat ang calamity fund para matulungan ang lahat ng mga apektadong trabahador sa Boracay.

Sinabi pa nito na dapat ngayon pa lang ay may ginagawang paraan na ang gobyerno para sa mga trabahador para kahit paano ay maibsan ang epekto ng pagkawala ng kanilang trabaho.

Umaasa din si Sen Win Gatchalian na may konkretong plano ang DOLE para sa mga Boracay laborers sabay banggit na maaring ipatupad ang cash for work program.

Hirit pa nito na hindi sana total closure kundi partial closure lang ang gagawin sa Boracay dahil may mga rehabilitation works naman na maaring matapos agad para naman aniya kahit paano ay may kabuhayan pa rin sa isla.

Read more...