Rehabilitasyon ng Boracay, wala nang atrasan – DILG

Wala nang atrasan ang gobyerno sa rehabilitasyon ng Boracay matapos ang anunsyo ng pagsasara ng isla simula sa April 26.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, inisa-isa ni DILG Asst. Sec. Epimaco Densing III ang mga hakbang ng inter-agency committee na mamamahala sa paglilinis ng Boracay.

“Ngayon po nagsasagawa ng demographic survey para malaman sa mga establishments kung ilan ang pakakawalan nila sa simula ng pagsasara ng isla sa April 26 at ang mga potensyal na indirect na mga tao na mawawalan ng kita mula sa mga turista.” ani Densing.

Ayon kay Densing, katuwang nila ang Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development at Department of Trade and Industry sa pagtulong sa mga negosyante at manggagawa na maaapektuhan ng pagsasara ng sikat na destinasyon ng mga turista.

Sa pagtataya ng inter-agency committee, nasa 17,000 na mga manggagawa ang maapektuhan ng Boracay closure.

Pero paglilinaw ni Densing, hindi naman dapat na bitawan ang lahat ng workers dahil pansamantala lamang pagsasara ng isla at karamihan sa kanila ay mga regular na empleyado na pwedeng maging bahagi ng paglilinis.

“Magkakaroon po tayo ng drainage audit and rehabilitation, bubuksan ang mga tabi ng drainage… Sinimulan na ho ng stakeholders, ang probinsya ng Aklan ang nagpapasimuno na gumagawa na sila ng drainage audit… Kaya nga dahil nangyayari po yan, gumawa kami ng estimate baka 2 to 3 months pwede ng magkaroon ng soft opening.” dagdag ng opisyal.

Paliwanag pa ni Densing, kaya lumaki ang problema ng boracay sa basura ay dahil ang bawat tao na nagpupunta sa isla ay nagpo-produce ng two and a half hanggang tatlong kilo ng basura bawat araw.

Ang problema anya sa Boracay ay dahil din sa posibleng kapabayaan ng mga lokal na opisyal kaya bahagi ng hakbang ng gobyerno ang pagpapanagot sa mga ito.

“Katatapos lang naming ng evidence gathering at case build up. Nagda-draft na kami ng mga cases, abangan na lang natin on or before April 15 sa paghahain ng mga administrative cases.” ani Densing.

Read more...