Pasya ng SC na obligahin ang OSG sa pagsumite ng dokumento sa war on drugs ikinatuwa ng Centerlaw

Ikinalugod ng Center for International Law (Centerlaw) ang pasya ng Korte Suprema na obligahin ang Office of the Solicitor na isumite ang mga hinihingi nilang dokumento hinggil sa war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Aileen Garcia Program Officer ng Centerlaw Philippines, nanaig ang rule of law sa desisyon ng kataas-taasang hukuman para mapanagot ang mga maysala o mga umabuso sa tokhang operations na ikinasawi ng daan-daang sangkot sa iligal na droga maging ang mga pinaghihinalaang dawit sa kalakaran ng ipinagbabawal ng gamot.

Malinaw ayon sa Centerlaw na nagtagumpay ang batas at ginampanan ng Korte Suprema ang kanilang tungkulin bilang huling sandalan ng katarungan sa bansa.

Sa pamamagitan nito ay umaasa ang naturang organisasyon na anumang impormasyon na makakalap mula sa mga dokumento na isusumite ng Philippine National Police (PNP) na kinakatawan ng SolGen ay makatutulong hindi lamang sa mga kapamilya ng biktima ng Extra Judicial Killings kundi maging ng mga otoridad para makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa mga patayan.

Kabilang sa mga dokumento na inoobliga ng Korte Suprema na isumite ng PNP ay ang kanilang sariling “Manual of operations”.

Ito umano ay mga dokumento na naglalayong masiguro na ang mga pulis ay tumatalima nang naayon sa mga panuntunan ng due process at Human Rights.

Nakasaad pa sa kalatas ng Centerlaw na dapat tumalima ang PNP sa utos ng mataas na hukuman kung totoong handa ang gobyerno na papanagutin ang mga sangkot sa hindi makatarungang pagkamatay ng mga nabibiktima ng tokhang operations.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...