Sa isang statement ay sinabi ng JFC na natanggap na nila ang utos ng DOLE at susundin nila ang proseso para iapela ang naturang kautusan.
Pahayag ito ng fast food giant matapos iutos ng DOLE National Capital Region na i-regularize ang 6,482 workers na itinalaga ng dalawang contractors sa Jollibee.
Sa ilalim ng DOLE Department Order No. 174, pwedeng iapela ng JFC ang desisyon ni Labor Sec. Silvestre Bello III sa loob ng sampung araw pagkatanggap ng kopya ng utos.
Ang apela ay ihahain ng Jollibee sa regional office na naglabas ng cancellation order.
Mayrooong 30 working days si Bello pagkatanggap ng records ng kaso para resolbahin ang apela.
Oras na magdesisyon ang kalihim sa apela sa kaso, ang utos ay final at executory na sampung araw pagkatanggap ng desisyon ng kaukulang partido.
Nanindigan naman ang Jollibee na sumusunod ito sa batas at DOLE order kaugnay ng contracting arrangements.