Nagsagawa ng inspeksyon ang 10 ahensya ng gobyerno sa Pasig River ferry system sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM).
Target kasi ng pamahalaan na mula sa kasalukuyang labingdalawang ferry lamang ay gawing dalawampu’t siyam ang bilang ng mga bumibiyaheng ferry sa Pasig River sa taong 2022.
Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, sa sandaling maisakatuparan ito, inaasahang aabot sa 76,800 na pasahero ang maseserbisyuhan kada araw.
Sa kalagitnaan ng taon, magsasagawa na ng bidding ang gobyerno para sa mga pribadong kumpanya na magsisilbing ferry operator. Sa ngayon kasi ang MMDA ang tanging nag-ooperate ng ferry system.
Ani Diokno, mahalagang mapalawig ang operasyon ng Pasig River Ferry dahil ito lang ang nakikita nila na maaring manatiling functional na transport system sa sandaling tumama ang “big one” o malakas na lindol sa Metro Manila.
Samantala, ayon kay DBM Assistance to Cities Program Manager Julia Nebrija, target din nilang magtayo ng mga bagong ferry station kabilang na ang sa Rockwell area, Ayala Circuit, at isa pa sa Pasig City at Quinta Market sa Maynila.
Plano ng DBM na sa pagtatapos ng kasalukuyang taon ay may naitayo na at nagagamit na ang tatlong bagong istasyon.