Manual recount sa ipinoprotestang mga balota, matatapos sa itinakdang panahon ayon sa kampo ni dating Sen. Marcos

Buo at malaki pa rin ang tiwala ng kampo ni Senator Bongbong Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na nagsasagawa ngayon ng manual recount sa mga ipinoprotestang balota sa Vice Presidential elections.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Atty. Vic Rodriguez, sinabi nito na bagaman maaring magkaroon ng kaunting pagbagal sa proseso dahil sa pagbibitiw ng apat na revisors, tiwala sila na batay sa inilatag na timeline ng PET na matatapos ang recount sa loob ng 108-araw.

Sinabi ni Rodriguez na mayroong istriktong rules na sinusunod sa manual recount at may itinatakdang oras depende sa dami ng bilang ng balota sa isang clustered precinct na bibilangin.

Dahil dito, sinabi ni Rodriguez na naniniwala sila na kayang tapusin ang proseso sa itinakdang timeline.

“Strictly parang eskwelahan ito, finish or not finish pass your paper, kaya natapos na ang Municipality ng Bato tutungo na tayo sa Municipality of Bao ngayon. I believe, according to the projected timeline ng tribunal, matatapos po ang tatlong pangunahing probinsya, within 108 days,” ani Rodriguez.

Umaasa na lang ang kampo ni Marcos na hindi na magtutuloy-tuloy pa ang pagkakadiskubre sa mga basang balota.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...