Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatigil ng trabaho sa ginagawang demolisyon sa dating Burnham Hotel na matatagpuan sa Calderon Street sa Baguio City kasunod ng aksidenteng naganap doon na nagresulta sa pagkamatay ng isang manggagawa at pagkasugat ng limang iba pa.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, salig sa ulat ni DOLE-CAR Director Henry John-Jalbuena na mayroong sapat na batayan para sa pagpapalabas ng stoppage order sa nasabing demolisyon.
Ilan umano sa mga paglabag na nakita sa imbestigasyon ay ang hindi tamang proseso sa isinagawang demolisyon, kawalan ng sapat na kaalaman ng management at mga manggagawa sa demolisyon dahil sa kawalan ng orientation at ang pagpapalabas ng City Building and Architects ng demolition permit kahit hindi pa naaaprubahan ang construction safety and health program ng DOLE.
Nabatid na naglalatag ng chain block ang mga mangggawa bilang paghahanda sa pagbagsak ng huling pader pero aksidente itong bumigay sa direksyon ng mga trabahador.
Kaagad namang tumugon ang may-ari ng dating Burnham Hotel sa nasabing work stoppage order.
Pinatitiyak naman ng DOLE na protektado ang karapatan ng mga manggagawa sa security of tenure.