Hinimok ng ilang miyembro ng Liberal Party ang publiko na huwag maging ‘unfair’ sa kontrobersyal na si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Inamin ni Quezon City Rep. Bolet Banal na ‘in bad taste’ at offensive talaga ang pag-imbita sa grupong Playgirls sa event ng Liberal Party at kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao.
Gayunman, sinabi ni Banal na lahat ng tao ay nagkakamali, at mismong si Tolentino na ang humingi ng paumanhin.
Dagdag pa ni Banal, huwag sanang ma-overlook o makalimutan na ng mga tao ang mabuting nagawa ni Tolentino bilang MMDA Chairman nang dahil lamang sa naganap sa Laguna.
Tiwala naman si Quezon City Rep. Winston Castelo na natuto na si Tolentino at hindi na uulitin ang nagawang mali. Ang pahingi rin aniya ng sorry ni Tolentino ay ang pinaka-mabuti at pinakamainam na ginawa nito, bagama’t hindi agad-agad na mapapatawad at makakalimutan ng publiko ang nilikhang iskandalo ng pagsasayaw ng “Playgirls”.
Kanina ay inanunsyo na rin ni Tolentino ang kanyang pagbibitiw sa pwesto bilang pinuno ng MMDA kasabay ng panawagan sa mga miyembro ng Liberal Party na alisin na ang kanyang pangalan sa hanay ng mga tatakbong Senador para sa 2016 National Elections.