‘Motion to travel’ ni Mike Arroyo, pinayagan ng Sandiganbayan

Pinayagan ng Sandiganbayan si dating First Gentleman Mike Arroyo na makalabas ng bansa patungong Tokyo, Japan at Hong Kong mula April 21 hanggang April 27.

Sa isang resolusyon na may petsang March 26, 2018, pinayagan ng Sandiganbayan 7th Division ang ‘motion to travel abroad’ ni Arroyo para sa mga nasabing petsa.

Hindi naman ibinunyag ni Arroyo ang dahilan ng kanyang travel ngunit hiniling niya sa korte na payagan siyang manatili sa Tokyo ng limang araw habang dalawang araw naman sa Hong Kong.

Iginiit pa ng dating First Gentleman na makailang beses na siyang pinayagan na makalabas ng bansa at wala siyang rason upang iwanan ang Pilipinas yamang nandito ang kanyang pamilya at mga negosyo.

Pinayagan siya ng Sandiganbayan na lumabas ng bansa alinsunod sa mga kondisyon na ipinataw ng korte.

Ayon sa anti-graft court, naghain na ng P90,000 na travel bond si Arroyo at kinakailangang iprisenta ang sarili sa Division Clerk of Court sa loob ng limang araw matapos makabalik ng bansa.

Matatandaang nahaharap sa kasong katiwalian si Arroyo dahil sa umano’y iregularidad sa pagbili ng Philippine National Police (PNP) noong 2009 ng dalawang helicopters na nagkakahalaga ng P34.6 million.

Ibinenta ang mga helicopters sa PNP bilang brand new bagaman second-hand lamang umano ang mga ito.

Read more...