P1M shabu narekober sa buy bust operation sa Maynila

INQUIRER File Photo

Arestado ang tatlo katao, habang nakumpiska naman mula sa mga ito ang nasa P1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu matapos magkasa ng buy bust operation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District (MPD) sa Binondo, Maynila.

Nakilala ang mga suspek na sina Jennifer Berdugo, Gerald Alvarez, at Ronald Ocampo na pawang mga high value target.

Ayon kay MPD District Drug Enforcement Unit chief, Police Superintendent Rogelio Ramos Jr., kasama ni Berdugo ang kanyang menor de edad na pamangkin nang ito ay makipagkita sa mga pulis na nagpanggap bilang poseur buyer. Aniya, ang pamangkin nito ang may dala ng 50 gramo ng shabu na nakasilid sa isang bag.

Depensa naman ng suspek, napag-utusan lamang siya ng isang alyas Kulot at hindi niya alam na droga pala ang laman ng bag.

Aminado naman si Alvarez na dati siyang gumagamit ng iligal na droga at isang surrenderee sa Oplan Tokhang.

Naang maaresto ay narekober ng mga otoridad ang karagdagang 150 gramo ng shabu na mayroong street value na P1.1 milyon, P150,000 halaga ng buy bust money, at cellphone na gamit ng mga suspek sa kanilang mga transaksyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.

Read more...