Pinase-sertipikahan na bilang urgent ni Moro Islamic Liberation Front o MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal kay Pangulong Noynoy Aquino ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa pagtungo ni Iqbal sa Kamara, sinabi nito na magiging mabilis ang usad ng BBL sa Kongreso kapag nasertipikahan ni Pangulong Aquino ang panukala.
Ayon kay Iqbal, kung gugustuhin ay kayang-kaya ng mga mambabatas na maipasa ang BBL sa ikawalang pagbasa hanggang sa Third and Final reading basta’t may basbas ito ng Pangulo.
Inamin ni Iqbal na nahihirapan na silang maipaliwanag sa kanilang mga constituent kung bakit hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang BBL sa Kamara at Senado.
Paalala ni Iqbal, bahagi ng opisyal na kasunduan ng MILF at gobyerno na sertipikahang urgent bill ang BBL. Sa kabila nito, sinabi ni Iqbal na may tiwala pa rin ang MILF kay Presidente Aquino at wala rin daw silang duda sa sensiridad ng pamahalaan para maipasa at maging ganap na batas ang BBL.
Sa Kamara, nasa BBL period of interpellation pa rin ang mga kongresista. Nahinto pa ito dahil sa kasalukuyang plenary debates para sa 2016 proposed national budget.