Kasalukuyang naka-confine sa King Edward VII Hospital sa London, England ang asawa ni Queen Elizabeth II na si Prince Philip.
Sa isang pahayag na inilabas ng Buckingham Palace, sinabi na sasailalim sa operasyon sa kanyang balakang si Prince Philip matapos nitong makaramdam ng pananakit at hirap sa paggalaw.
Ayon pa sa Buckingham Palace, ang pananakit ng balakang ni Prince Philip ang dahilan kung bakit hindi ito dumalo sa tradisyunal na Royal Maundy Service at Easter Services sa St. George’s Chapel.
Samantala, inaasahan ng Royal family na aayos na ang lagay ng 96 taong gulang na Duke of Edinburgh upang makadalo naman ito sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng kanyang apo na si Prince Harry at Meghan Markle na magaganap sa May 19.
Nitong mga nakalipas na taon ay ilang beses na ring na-ospital si Prince Philip dahil sa magkakaibang sakit.