Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, nakikipag-ugnayan ang kanilang ahensya sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) upang partikular na tutukan ngayon ang pagbabakuna ng anti-rabies sa mga hayop.
Paliwanag ni Duque, ito ay para masiguradong hindi na lumaganap pa ang rabies lalo naβt mayroon shortage ng anti-rabies vaccine para sa mga tao.
Ayon pa sa kalihim, sa ngayon ay mayroon pang stocks ng anti-rabies vaccine ngunit dahil sa kakulangan nito sa buong mundo ay mahihirapan ang Pilipinas na mapalitan ang mga magagamit na bakuna at magpapatuloy ang pagbaba ng bilang nito.
Samantala, sa datos ng DA-BAI, umakyat ang bilang ng mga aso at pusa na mayroong rabies noong 2017. Mula kasi sa 700 noong 2016 ay nasa 900 na ito.
Ayon pa sa kagawaran, hindi madaling malaman kung mayroon bang rabies ang isang hayop kaya naman mas maiging pabakunahan na ito kaagad.
Paalala pa ng mga otoridad, kung makakagat o makakalmot ng anumang hayop ay linisin ang sugat sa pamamagitan ng sabon at malinis na running water bago agad na magtungo sa animal bite center upang masuri ng mga doktor.