BBM, nag-alala sa pag-atras ng apat na revisors ng PET na nakatoka sa manual recount sa VP Race

Nagulat at nag-alala si dating senador at talunang vice presidential candidate Bong Bong Marcos sa pag-atras ng apat na revisors ng Presidential Electoral Tribunal ng walang malinaw na dahilan.

Ang apat na head revisors ang nakatoka sa manual recount ng mga kinukuwestyong balota sa Vice Presidential race noong May 9, 2016.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na may agam-agam ang dating senador dahil ito ang naging dahilan ng pagbagal ng manu-manong recount ng mga balota mula sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

“Ang sabi po ni Sen. Marcos nababahala siya dahil nagresign ang apat na head revisors ng PET sapagkat ang kanyang agam-agam baka lalong bumagal na naman ang nagaganap na manual recount and judicial revision,” ani Rodriguez.

Gayunman, umaasa si Marcos na hindi ito magreresulta sa panibagong serye ng pagka-antala lalo at naumpisahan na nilang mailabas ang mga senyales ng umano’y pandaraya sa nakaraang eleksyon gaya ng pagkabasa ng mga balota.

“Eto na po yung katotohanan na lumalabas, basa yung balota magto-two years na itong protesta, kung nabasa man noong 2016 bakit basa pa rin hanggang ngayon magda-dalawang taon na. Kung sinabi na bumagyo sa Camarines noong December e bakit after 4 months basa pa rin,” dagdag ni Rodiguez.

Sa kabila ng pagbagal ng recount, iginiit naman ng abogado na tuloy ang election protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Read more...