Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Espenido na iminungkahi niya na dapat imbestigahan ang mga pulis na nagsampa ng kaso at ang mga prosecutor na humawak sa kaso.
“I suggested kay Chief PNP na paimbestigahan yung CIDG na nag-file, nag-suggest ako kay Sec. Aguirre na paimbestigahan yung prosecutor na naghandle ng kaso kasi alam naman nila na hindi mabigat yung kaso na pina-file pero pina-file pa rin tapos hindi naghanap ng ebidensya ang law enforcement para masigurado na hindi mapahiya ang gobyerno,” ani Espenido.
Dahil sa pagbasura ng DOJ sa kasong isinampa ng PNP-CODG laban sa nasabing mga drug lords, nagbigay ng payo si espenido kung ano ang dapat gawin ng pulisya para maging malakas ang kaso.
“Laban kay Kerwin Espinosa, No. 1 ang transcript from the Secretariat of the Senate na nag-admission, kunin ko yan para ma-convict ko si Kerwin…para ma-convict si Peter Lim, kunin ko certification from Immigration to prove na si Peter Lim nandon sa Thailand noong time na nag-transaksyon si Kerwin Espinosa…paano natin ma-convict si Peter Co, maghingi tayo ng certification sa Bucor,” dagdag pa niya.
Ikinasama ng loob ni Espenido na dahil sa pumalpak na trabaho ng PNP-CIDG ay nabasura ang kaso at napagdudahan pa siya na pina-dissmiss niya ang kaso dahil malapit si Lim kay Pangulong Duterte at siya ay nabigyan umano ng pera ni Espinosa.
“Ang kapalpakan na ginawa na pag-file ng kaso ng CIDG, lahat buong bansa napahiya…Kung may aksyon ang CIDG, tiningnan nila ang problema, ang pag-resbak…Sa kapalpakan natin, ng CIDG, lahat tayo, pati ang Presidente mapahiya nito,” ani Espenido.