Albularyo patay matapos tagain at barilin sa Cebu

Patay ang isang senior citizen na lalaki, habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos silang atakihin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Uwak sa bayan ng Asturias, Cebu.

Kinilala ang biktima na si Emiliano Bantoy, 79 na taong gulang at isang albularyo na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kanyang ulo at likod, at ilang mga taga sa kanyang katawan.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang asawa nitong si Juanita, 75 taong gulang na nagtamo naman sugat sa kanyang ulo.

Ayon kay PO3 Ervin Pjugarap, kagagaling lamang ng mag-asawang Bantoy mula sa kanilang sakahan nang lapitan ng dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo.

Niyaya umano ng isa sa mga lalaki si Emiliano na sumama sa kanila sa Barangay Pilit sa bayan ng Balamban ngunit hindi pumayag ang biktima. Matapos ito ay umalis na rin ang dalawang lalaki.

Ngunit makalipas ang ilang sandali ay bumalik ang mga ito at may dalang bolo at baril na kanilang ginamit sa pag-atake sa mag-asawa.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente, maging sa pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pag-atake.

Read more...