Tiwala si Senator Sonny Angara na maraming istambay o out of school youth ang mahihikayat ng magbalik-eskuwela dahil sa libre na ang pag-aaral sa kolehiyo.
Kasunod ito nang pagpapalabas ng implementing rules and regulations ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Isa si Angara sa mga may-akda ng batas, na may paunang ponding P40 bilyon.
Ibinahagi ng senador na isa sa bawat 10 Filipino na may edad anim hanggang 24 ay out of school youth at 87 porsiyento sa mga ito ang edad ay dapat na nag-aaral na sa kolehiyo.
Sinabi pa ni Angara na mababa ang bilang ng mga tambay na may edad na 16 pababa dahil libre ang pag-aaral sa pre-school hanggang high school.
Nabatid din na sa bawat 100 bata na pumapasok sa elementarya, kulang sa 20 na lang ang nakakapagtapos sa kolehiyo at ang pangunahin dahilan ay kahirapan.
Ipinaliwanag ni Angara na dahil sa bagong batas batas libre na ang matrikula sa lahat ng 112 state universities and colleges, 78 local universities and colleges at lahat ng technical-vocational centers na rehistrado sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.