Muling nagpaalala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na bantayan at tutukan maigi ang aktibidad ng kanilang mga anak ngayong panahon ng bakasyon.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Deputy Director General Fernando Mendez, Jr. sinasamantala kasi ng New Peoples Army ang pagkakataon na ito para makapag-recruit ng mga bagong myembro.
Paliwanag niya, kahit na bakasyon ay kumikilos pa rin ang mga NPA sa mga paaralan at dumidikit sa mga samahan na may impluwensya nila.
Sa ilalim ng recruitment process sinabi ni Mendez na lolokohin ang mga kabataan sa pamamagitan ng fake fieldtrip at dadalhin sila sa bundok.
Samamantahin umano ito ay ng mga rebelde para makuha ang simpatya ng mga kabataan.
Dagdag pa ni Mendez, kadalasang inaabot ng isang linggo ang naturang aktibidad hanggang sa makapag-enganyo na sila at makapagturo ng combat exercise.
Nabatid na patuloy na nalalagasan ng pwersa ang NPA dahilan para mas tumindi ang kanilang motibasyon na makapag-recruit ng bagong myembro.