Customs broker napatay sa drug operation sa GenSan

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang dalawang lalaki matapos makapalitan ng putok ang mga otoridad sa Barangay Baluan, General Santos City.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Ruel Magaway na napag-alamang isang broker sa Bureau of Customs, at kasama nitong si Antonio Villaplana, Jr.

Ayon sa tagapagsalita ng Central Mindanao Poloce Regional Office na si Chief Inspector Aldrin Gonzales, nagsasagawa ng search ang mga otoridad sa nasabing barangay nang bigla na lamang nagpaputok ang mga suspek. Dahilan aniya ito upang gumanti rin ng putok ang mga pulis.

Narekober mula sa mga napatay na suspek ang isang kalibre 45 baril, isang kalibre 38 baril, at anim na sachet na naglalaman naman ng hinihinalang shabu.

Samantala, sa hiwalay na operasyon sa kaparehong barangay ay naaresto naman si Necon Serapio na dating jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Faith Irish Dela Torre.

Ayon sa mga otoridad, nasa drugs watch list ng General Santos City Police si Serapio.

Narekober mula sa mga ito ang 10 sachet ng shabu at cash na aabot naman ng P240,000.

Read more...