Sa panayam ng DZIQ 990, ipinaliwanag ng election lawyer at abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal ang reklamo ni Marcos kaugnay ng mga basang balota.
Batay sa election protest ni Marcos, ang binibilang aniya ngayon ay mga balota mula sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental kung saan titingnan kung may pagkakamali.
Dagdag ni Macalintal, naaawa umano siya kay Marcos dahil tila hindi nito alam ang proseso ng recount partikular ang tinatawag na audit log.
Paliwanag ni Macalintal, sa proseso ng mano-manong recount, halimbawa ay lumabas na may sobrang boto, posible aniya na mayroong balota na hindi kumpleto ang shading ng botante.
Kumpyansa pa si Macalintal na walang epekto ang recount at hindi ito magreresulta sa pagkatalo ni Robredo.
Sa tantsa ng kampo ni Robredo, ang manual recount sa tatlong probinsya pa lamang ay aabutin na ng susunod na eleksyon sa 2019 at mayroon pang 22 probinsya na natitira.