Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Foreign Affairs na suriin kung totoo ang napaulat na balita na hinatulan na ng korte sa Kuwait ng parusang bitay ang mag-asawang Lebanese at Syrian ng pinatay na OFW na si Joanna Demafelis.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na nais makasiguro ng pangulo na totoo ang balita lalo’t hindi naman nakakulong sa Kuwait ang mga suspek na sina Nader Essam Assaf at Mona Hassoun.
Sa kabila nito, sinabi ni Guevarra na mananatili pa rin ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Hindi maikakaila ayon kay Guevarra na matutuwa ang pangulo kung totoo ang balita dahil nangako ito sa pamilya Demafelis na bibigyan ng hustsya ang OFW na isinilid sa freezer ang bangkay ng isang taon.
Bukod dito, sinabi ni Guevarra na hindi lang ang pangulo ang matutuwa kundi maging ang taong bayan na mahatulan ng bitay ang mga employer ni Demafelis.
Sa ngayon sinabi ni Guevarra na isa sa mga tinitingnan ng pamahalaan ng Pilipinas ang extradition treaty sa pagitan ng Kuwait, Lebanon at Syria para makuha ang mga suspek at maparusahan ng bitay sa Kuwait.
Matatandaang iniulat na hinatualn na bitay in absencia ng Kuwaiti Criminal Court ang mag asawang Assaf at Hassoun.
WATCH: Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra: Deployment ban ng mga OFW Sa Kuwait mananatili sa kabila ng hatol na bitay sa mga employer ni Joana Demafelis @dzIQ990 pic.twitter.com/IK75VAtPFM
— chonayuINQ (@chonayu1) April 2, 2018