Aabot sa 119 na mga bus at 91 na mga van ang na-impound ng Highway Patrol Group sa kanilang gyera kontra mga kolorum na sasakyan.
Ayon kay Chief Supt. Arnel Escobal, hepe ng HPG, makaraan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mas mahigpit na anti-colorum drive, agad silang kumilos at hinuli ang mga lumalabag sa batas-lansangan.
Sa operasyon na ikinasa mula March 2 hanggang April 1, lumalabas na pinakamarami sa mga na-impound ay mula Region 4B o MIMAROPA na may 51 impounded buses at 21 impounded vans.
Nabatid kasi na sa naturang rehiyon pinakamarami ang nag-o-operate na Dimple Star Bus na pinagbawalan munang bumyahe kasunod ng bus crush sa Occidental Mindoro na ikinasawi ng 19 na katao.
Sumunod sa Region 4B ang Region 4A o CALABARZON na may nahuling 22 colorum na bus at Region 12 na may nahuling 10 colorum na van.
Samantala, maliban sa bus at vans, nakahuli rin ang HPG sa nakalipas na Semana Santa ng mga walang prangkisang multicab, taxi at jeep.
Tatlong multicab ang na-impound sa Region 13 habang isa namang taxi at isang jeep ang na-impound sa Region 3 at Region 9.
P200,000 ang maaring multa sa mga operator ng colorum na van habang aabot naman sa P1 Milyon ang posibleng ipataw sa mga operator ng colorum na bus.