Hiling ni Pope Francis sa kanyang isinagawang misa bilang pagdiriwang sa Linggo ng Pagkabuhay sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City na magkaroon na ng kapayapaan sa buong mundo.
Partikular na binanggit ng Santo Papa na sana ay matapos na ang kaguluhang nangyayari sa Syria, Ukraine, Korean peninsula, Israel, Yemen, kabuuan ng Middle East, Venezuela, South Sudan, at Congo.
Sa “Urbi et Orbi” Easter message ni Pope Francis, sinabi nito na ngayong Linggo ng Pagkabuhay ay dapat isapuso ng lahat ang core belief ng mga Kristyano na dapat magsilbing pag-asa ang muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo matapos nitong mapako at mamatay sa krus.
Samantala, libu-libong mamamanata ang sumailalim sa istriktong security check upang makapasok ng St. Peter’s Square para lamang personal na masaksihan ang misa na pinangunahan ng Santo Papa.
Dahil sa naturang pagdiriwang ay pansamantalang isinara sa trapiko ang main avenue patungong St. Peter’s Square, maging ang mga kalapit na kalye.