Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista, maglalagay na lang sila ng TV screens sa labas ng Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila.
Sa nasabign screen ay maaring mapanood ng mga supporters ang kanilang mga kandidato habang naghahain ng COC sa loob ng gusali. “Sa labas ng Palacio del Gobernador maglalagay ng TV Screens para ang mga supporters hindi na kailangan pumasok,” ayon kay Bautista.
Nauna nang naghigpit ang Comelec sa mga miyembro ng media na magco-cover sa COC filing.
Ayon sa Comelec kailangan na ngayong mag-apply ng accreditation ng mga miyembro ng media na nais magcover sa paghahain ng COC ng mga kandidato.
Paliwanag ni Bautista, layon nitong maiwasan na makadagdag pa sa dami ng tao ang mga nais lamang maki-usyoso sa proseso at wala namang kinabibilangang lehitimong media organization.