Tolentino, nagsorry dahil sa dancing playgirls, hiniling sa LP na alisin siya senatorial line-up

TOLENTINO PLay
Kuha ni Marlon Ramos/PDI

Humingi na ng paumanhin si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino hinggil sa insidente ng malaswang pagsasayaw ng grupong playgirls sa event ng Liberal Party sa Laguna.

Bagaman hindi diretsong inamin ni Tolentino na siya nga ang nagregalo ng nasabing mga babae sa pagtitipon na kasabay ng kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao, inamin ni Tolentino na mayroon siyang pagkakamali nang mabigo siyang pigilan ang pagtatanghal.

Ayon kay Tolentino, bilang siya ang pinakamataas na opisyal ng Gobyerno noon sa lugar nang nagaganap ang performance ng playgirls, may pagkakamali sa kaniyang panig nang nabigo siyang kontrolin ang sitwayson. “Dahil ako ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan noon sa lugar, naging kamalian ko, at tinatanggap ko (ang aking kamalian) na hindi ko napigil ang performance,” sinabi ni Tolentino.

Partikular na humingi ng sorry si Tolentino sa gripo ng mga kababaihan, kay Cong. Agarao at sa kaniyang pamilya, sa mga residente sa Laguna, sa kaniyang ina na ayon kay Tolentino ay nasaktan din sa pangyayari, sa partido liberal at kay LP standard bearer Mar Roxas.

Dagdag pa ni Tolentino, hindi dapat nadadamay sa pangyayari ang LP partikular si Roxas.

Kasabay nito, sinabi ni Tolentino na hinihiling niya din sa LP na alisin na ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga pinagpipiliang maisama sa senatorial line up ng partido para sa 2016 elections. “Ipinaaabot ko sa partido liberal na alisin na ang pangalan ko sa ikinukonsiderang line up sa pagka senador sa 2016,” dagdag pa ni Tolentino

Si Tolentino ay kabilang sa mga pangalan na napapabalitang kasama sa pinagpipilian ng LP para isama sa senatorial slate.

Hindi naman binanggit ni Tolentino kung itutuloy niya ang pagtakbong senador bilang isang independent candidate.

Read more...