Tolentino kinasuhan sa Ombudsman dahil sa ‘dancing playgirls’

Tolentino PlaygirlsIpinagharap ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino kaugnay sa kontrobersyal na ‘dancing playgirls’ sa event ng Liberal Party na idinaos sa Laguna.

Batay sa complaint affidavit ng aabot sa labingdalawang labor groups inireklamo si Tolentono ng paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at paglabag sa Republic Act 9710 o Magna Carta for Women.

Nakasaad sa reklamo na nilabag ni Tolentino ang mandato ng isang public officials matapos hayaan ang pagsasayaw ng malaswa ng mga miyembro ng playgirls sa birthday ni Rep. Benjamin Agarao at oath taking ng mga bagong LP members.

Ayon sa abugado ng grupo na si Atty. Lorna Kapunan, ang pagbibigay ng regalo ni Tolentino ay malinaw na paglabag sa ethical standards ng mga manggagawa sa gobyerno.

Maliban dito, ang pagpunta ni Tolentino sa nasabing LP event na wala namang kinalaman sa kaniyang trabaho bilang MMDA Chairman ay mistulang pagpapabaya sa kaniyang tungkulin na ayusin ang mga problema sa Metro Manila lalo na ang usapin sa traffic.

Sinabi ni Kapunan na tahasang paglabag sa magna carta of women ang naganap sa nasabing event sa Laguna matapos malagay sa kahihiyan ang mga miyembro ng playgirls na naging biktima umano ng exploitation.

Maliban kay Kapunan, may iba pang inireklamo na hindi pinangalanan. Ayon kay Kapunan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng LP at ng Department of Interior and Local Government (DILG) para matukoy ang iba pang posibleng dapat panagutin sa insidente.

Read more...