Boxing career handang iwan ni Pacquiao kapag nanalong senador

UntitledKasado na ang pagtakbo ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao sa pagka-senador sa 2016 Elections.

Ayon sa pambansang kamao, maghahain na siya ng certificate of candidacy o COC pagbalik niya ng Pilipinas, mula sa New York City, USA kung saan may dadaluhan siyang event.

Sinabi ni Pacquiao na sa gabay ng Panginoon at tulong ng pamilya ay sasabak siya sa senatorial race.

Nais umano niyang higit na matulungan ang mga mahihirap at maibahagi ang tamang serbisyo publiko.

Dumipensa naman ang People’s Champ sa mga maagang pumupuna sa kanyang planong kumandidato sa mas mataas na posisyon.

Sinabi ni Pacquiao na bagama’t hindi siya nakikita sa Kamara, palagi naman daw siyang nasa kanyang distrito at doon nagta-trabaho.

Kapag pinalad na manalo at maging Senador, nangako si Pacquiao na magiging mas aktibo siya bilang mambabatas at maaring i-give-up pa ang kanyang pagiging boksingero.

Samantala, sinabi ni Pacquiao na bukas siya na maging ‘common senatorial candidate’ ng mga partido sa 2016 elections.

Inamin ni Pacquiao na hanggang ngayon ay nililigawan siya ng halos lahat ng mga political party para mapasama siya sa senatorial ticket ng mga ito, at pinag-iisipan niya ito ng mabuti.

Kinumpirma rin ni Pacquiao na nakipag-usap muli siya kay Vice President Jejomar Binay noong isang gabi, at tinanong ang kanyang balak na mag-senador.

Gayunman, hindi na idinetalye ni Pacquiao ang nagpag-usapan nila ni Binay at kung may nabuo silang pasya.

Tumanggi rin si Pacquiao na sabihin kung may napili na siyang sasalihang partido.

Aniya, sa ‘tamang panahon’ ay i-aanunsyo niya kung may partido na siyang sasamahan.

Read more...