Taxi driver na nangontrata at sobra ang singil sa isang food blogger, sumuko

Lumantad na ang isa pang driver ng isang white taxi na nambiktima sa bumisitang food blogger na si Mikey Chen na pinick-up nito sa airport.

Nakilala ito na si Virgilio O. Daguplo, driver ng Eazy First Taxi na may plate number na ACC 9310.

Kusang-loob na ipinrisinta ni Daguplo ang kanyang sarili sa tanggapan MIAA Intelligence & Investigation Division Special Task Group (IID/STG) sa Ninay Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kung saan naghihintay ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Nabatid na pinatugis ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal ang nasabing driver kay IID/STG chief Roderick Mejia.

Sa reklamo ni Chen sa Philippine National Police-Aviation Security Group noong January 27, 2018, una umano siyang siningil at kasama nito ng P2,300 na pamasahe para sa biyahe mula sa NAIA Terminal 3 hanggang Terminal 4 pero bumaba sa P1,500 matapos na makipagtawaran sa driver.

Inisyuhan na si Daguplo ng LTFRB ng ticket dahil sa pangongontrata, illigal na paggamit sa fare matrix at sobrang paniningil.

Nahaharap din ito sa kasong kriminal oras na panumpaan ni Chen ang kanyang affidavit sa MIAA-IID.

Ang taxi naman nito ay naka-impound na sa Nayong Pilipino compound at ang buong fleet ng Easy First Taxi ay blacklisted na pagpasok sa NAIA.

Read more...