Kasama sa mga huhugasan ng paa ni Luis Antonio Cardinal Tagle sa Huwebes Santo ang mga magulang ng nasawi na pinay overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis at ang nabihag na pari ng Maute Terror Group na si Fr. Chito Suganob.
Ilan lamang sila sa karamihan ay migrante at refugees na nakatakdang hugasan ng paa ngayong taon sa Cathedral-Basilica of the Immaculate Conception sa Maynila.
Ang ‘washing of the feet’ ay isang seremonya na isinasagawa taun-taon tuwing Huwebes Santo bilang pag-alala sa kababaang loob at paglilingkod ng Panginoong Hesukristo na naghugas din ng mga paa ng kanyang mga alagad.
Ito ay kanyang halimbawa ng pag-ibig at paglilingkod na nais niya ring gawin ng kanyang mga tagasunod.
Noong nakaraang taon ang hinugasan ng paa ni Cardinal Tagle ay mga dating gumagamit ng iligal na droga at mga miyembro ng pulisya bilang tanda ng kapayapaan sa kasagsagan ng libu-libong pagkamatay na iniuugnay sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) nais ng Manila Cathedral na bigyang importansya ang panawagan ni Pope Francis sa mga diyosesis sa buong mundo na suportahan ang mga migrante at refugees.
Kabilang sa mga huhugasan ng paa ay mga taong na-relocate, lumad leaders, mga miyembro ng Philippine Navy at mga banyagang sa Pilipinas nagtungo dahil sa ‘religious percecution’ at iba pa.