Malaswang sayaw ng ‘Playgirls’, may higit 1 milyong views na sa Youtube

 

Umani na ng mahigit sa isang milyong views ang kontrobersyal na malaswang video ng grupong ‘Playgirls’ habang nagpe-perform sa birthday party ng isang mambabatas sa Laguna noong October 1.

Sa naturang video na kinunan ng Inquirer reporter na si Marlon Ramos, naaktuhan ang tatlong kababaihan na nagti-‘twerk’ at nang-hila pa ng lalakeng audience at sinayawan ito sa entablado matapos ang oath-taking ceremonies ng mga bagong miyembro ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna.

Dahil sa naturang video na kumalat na rin sa social media, umani ng matinding batikos si MMDA Chairman Francis Tolentino na sinasabing ‘nagregalo’ ng performance ng ‘Playgirls’ kay Rep. Benjie Agarao noong araw na iyon.

Gayunman, kung nalagay sa alanganin ang kandidatura ni Tolentino na naghahangad na tumakbo sa pagka-senador sa susunod na taon dahil sa naturang video, positibo naman ang naging resulta nito para sa ‘Playgirls’.

Ayon sa manager ng grupo na si Michael Tupaz, lalo pang sumikat ang kanyang mga talent at dumami pa ang kanilang ‘booking’.

Bukod sa mga birthday party performance,nadagdgan din ang kanilang mga nakalinyang ‘show’ sa mga inaasahang gagawing kampanya ng mga pulitiko para sa 2016 elections.

Bagaman nalulungkot sila aniya sa posibilidad na malaglag sa senatorial line-up ng LP si Tolentino, ito aniya ay wala na sa kanilang kontrol.

Giit pa ni Tupaz, ginawa lamang ng grupo ang kanilang trabaho nang imbitahan para magsayaw sa naturang okasyon.

Read more...