Nagtalaga na si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Oscar Albayalde ng mga papalit sa kanyang mga sinibak na hepe ng pulis.
Mauupo bilang bagong chief of police ng Caloocan City si Senior Superintendent Restituto Arcangel.
Si Superintendent Julius Domingo naman ang bagong itinalagang commander ng Manila Police District (MPD) Station 11.
Samantala, ipinaubaya naman ni Albayalde kay Quezon City Police District (QCPD) chief, Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang paglalagay ng bagong pinuno ng QCPD Station 10.
Kaya naman itinalaga na sa posisyon ni Eleazar si Superintendent Ariel Capucao na dating hepe ng QCPD Station 8. Ipinalit sa kanyang nabakanteng posisyon si Superintendent Jojo Concina na dating deputy commander ng Marikina City Police.
Matatandaang sinibak sa pwesto si Senior Superintendent Jemar Modequillo ng Caloocan City Police at Superintendent Amante Daro ng MPD Station 11 dahil sa mga insidente ng nakawan at patayan sa kanilang nasasakupan na hanggang ngayon ay hindi pa nasosolusyonan.
Samantalang maruming himpilan ng mga pulis naman ang dahilan kung bakit nasibak si Superintendent Christian Dela Cruz ng QCPD Station 10.