2 Pekeng PDEA Agents, arestado

Matapos matakasan ang mga pulis noong nakaraang buwan, naaresto sa Makati ang dalawang lalaki na nagpapanggap na mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Habang sakay ng motorsiklo, hinarang ng mga pulis si Edizon Fabricante Baradia at ang disi-syete anyos na angkas nito sa checkpoint sa kanto ng Sampaguita at Cadena De Amor streets sa Barangay Pembo.

Bukod sa walang helmet, napansin ng mga pulis na may mga baril sa kanilang baywang ang dalawang lalaki.

Nakuha kay Baradia ang improvised 9-mm revolver habang ang menor de edad na kasama nito ay may dalang .45 caliber pistol.

Habang sumasailalim sa booking process para sa kasong illegal possesion of firearms and ammunition, nalaman ng mga imbestigador na ang dalawa ay ang mga pekeng PDEA agents na nakunan ng security cameras sa Brgy. Ususan sa Taguig noong Pebrero.

Ang pagkakilalan sa dalawa ay batay sa impormasyon ng kanilang kasabwat na si Jai Sunshine Chua na naaresto ng NBI sa Cainta, Rizal noong March 9.

Ang tatlo ay bahagi ng sampung miyembro ng grupo na dumudukot sa mga kabataan habang nagpakilalang mga PDEA agents.

Read more...