Nakatutok na ang Department of the Interior ang Local Government o DILG sa mga Private Armed Groups o PAGs bilang kanilang kontribusyon para matiyak na magiging mapayapa, maayos at makatotohanan ang gaganaping halalan sa darating na Mayo ng susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Interior Secretary Mel Senen Sarmiento at aniya, katuwang nila sa kanilang mga hakbangin na ito ang Armed Forces of the Philippines o AFP.
Kasabay nito ang panawagan ng Kalihim sa mamamayan na tulungan sila sa paghahanap ng mga private armies kasabay nang pagpapagana nila ng intelligence units ng pulisya at militar.
Aniya, pinag-aaralan nila ang bilang ng mga PAGs noong nakaraang halalan at sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng validation para alamin kung nabawasan ba o nadagdagan pa ang bilang ng private armies sa bansa.
Iginiit pa nito na mismong si Pangulong Aquino ang nakapansin na sa lalawigan ng Abra ay naging maayos at mapayapa ang pagdaraos ng halalan noong 2013 dahil sa pagbuwag sa mga private army doon.