Kinumpirma ni United Nationalist Alliance (UNA) President at Navotas Cong. Toby Tiangco na pormal na nilang ini-alok kay Sen. Gregorio “Gringo” Honasan ang posisyon para maka-tandem si Vice-President Jejomar Binay sa 2016 National Elections.
Inamin ni Tiangco na nakausap niya ng personal si Honasan kaninang tanghali at wala namang ibinigay na commitment sa kanila ang mambabatas dahil hanggang ngayon ay hindi pa raw niya natatapos kausapin ang ilang miyembro ng pamilya.
Nilinaw rin ni Tiangco na wala naman silang ibinigay na taning sa Senador para magdesisyon kaugnay sa formal offer na inilatag ng UNA.
Sa kanilang pag-uusap sinabi ni Tiangco na inihayag ni Honasan ang kanyang kahandaan sa posisyon pero kinakailangan lang niyang marinig pa ang opinyon ng ilang mga kaalyado at mga taong malalapit sa kanya.
Batid din daw ni Honasan na siya ring Vice-President ng UNA na kailangan na nilang pumusisyon dahil nalalapit na ang araw para sa nakatakdang filing ng certificate of candidacy.
Ipinaliwanag rin ni Tiangco na malaki ang maitutulong sa bansa ni Honasan dahil sa mahabang track records nito sa public service mula sa isyu ng peace and order hanggang sa pagsasa-ayos ng pamamahala sa ating bansa.