Inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanselasyon ng prangkisa ng Dimple Star bus matapos masangkot ang isang unit nito sa aksidente sa Occidental Mindoro na ikinamatay ng 19 katao.
Sa kanyang pagbisita sa lugar kung saan naaksidente ang Dimple Star bus, inutusan din ng pangulo ang transport officials na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong bibiyahe sa mga probinsya.
Nakiramay naman ang pangulo sa mga nasawi sa aksidente at binisita nito ang mga nasugatan na nasa mga ospital.
Namigay ang pangulo ng P20,000 sa kada pamilya ng namatay sa aksidente at P10,000 at cellphone sa bawat pamilya ng nasugatan.
Dahil sa utos ng pangulo ay nagtakda ang LTFRB ng pagdinig sa April 18 para sa proseso ng kanselasyon ng prangkisa ng Dimple Star.
Simula naman sa Lunes ay tatanggap ang pamilya ng mga namatay ng tig- P200,000 habang ang pamilya ng mga nasugatan ay tig-P20,000 sa ilalim ng Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI).