Walang Pilipino na nasugatan sa malagim na terrorist attack sa Southern France.
Ito ay kaugnay ng walang habas na pamamaril ng isang lalaki na sangkot sa kalakalan ng droga sa bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, walang report ang Philippine Embassy sa Paris na may Pinoy casualty matapos mamaril ang gunman at mapatay ang tatlong katao at masugatan ang labing-anim na iba pa.
Naganap ang pamamaril sa Carcassonne at Trebes sa France.
Nakiramay si DFA Secretay Alan Peter Cayetano sa mga nasawi sa pag-atake. Nakikiisa aniya ang Pilipinas sa France at sa buong mundo sa pagkondena sa insidente.
Ang suspect ay ang 25 anyos na French-Moroccan na si Redouane Lakdim. Ayon sa French police, sangkot si Lakdim sa petty crime at drug dealing.
Unang nang-hijack ang suspek ng sasakyan pagkatapos ay namaril sa mga tao at pulis. Nang-hostage din ito ng ilang katao sa isang supermarket pero napatay kalaunan nang lusubin ng mga otoridad ang lugar.
Itinuring ni French president Emmanuel Macron ang pag-atake na kagagawan ng mga terorista matapos akuin ng Islamic State of Iraq and Syria ang pangyayari.