No show si Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Francis Tolentino sa pre-plenary deliberations ng Kamara para sa panukalang budget ng ahensya sa 2016.
Kaya naman nag-ingay ang grupo ng mga kababaihan kasabay ng pagtalakay sa proposed budget ng MMDA.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Emmy De Jesus, bastos si Tolentino dahil naduwag siyang humarap sa mga Kongresista dahil tiyak na uungkatin ang “twerk scandal” na kinasasangkutan nito.
Matatandaang noong Huwebes, nabalot ng kontrobersiya ang oath taking ng mga bagong miyembro ng Liberal Party at kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao dahil sa malaswang performance ng grupong Playgirls na umano’y special gift ni Tolentino sa nabanggit na Kongresista.
Hinala naman ni De Jesus ngayon, maaaring nagagamit ni Tolentino ang pondo ng MMDA sa personal na bagay gaya ng pondo sa mga regalo.
Giit ni De Jesus, napakalaki ng problema sa daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila pero panay kabulastugan daw ang inaatupag ni Tolentino.
Dagdag pa ng kinatawan ng Gabriela, sa nangyari sa okasyon ng partido Liberal, malinaw ang larawan ng bulok na pulitika kung saan nakita ang paglapastangan sa imahe ng mga kababaihan.