Official press ID ng mga mamamahayag sa Malakanyang binawi dahil sa palpak na grammar

Matapos ulanin ng batikos at kritisismo ipinag-utos ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang pag-recall sa official press ID ng mga nagco-cover sa Malakanyang.

Noon lamang nakaraang linggo inisyu sa mga mamamahayag ang ID, pero iniutos ni Sec. Martin Andanar ang pagbawi dito, matapos kumalat sa social media ang larawan ng likurang bahagi ng ID kung saan maraming grammar ang mali-mali.

Nadiskubre mismo ng mga mamamahayag ang mali-maling grammar sa ID habang sila ay nasa kasagsagan ng pagco-cover kay Pangulong Duterte sa Cuneta Astrodome.

Nabatid na mula sa orihinal na schedule na alas 4:00 ng hapon ay alas 8:30 na ng gabi dumating ang pangulo kaya dahil sa pagkainip, nahalungkat ng mga reporter ang kanilang ID at nang mabasa ay natuklasan ang mga maling grammar.

Si Sec. Andanar ang nakapirma sa nasabing ID.

Ayon kay Andanar, tanging ang harapang disenyo lang ng ID ang pina-apruba sa kaniya at hindi ang likuran.

Iniutos na rin ni Andanar ang imbestigasyon sa posibleng pagkakaroon ng breach of protocols sa panig ng International Press Center na gumamit sa kaniyang e-signature ng walang permiso.

Maliban pa sa maling grammar, “Presidential Communications” lang ang nakasulat sa ilalim ng pangalan ni Andanar sa halip na Presidential Communications Operations Office.

 

 

 

 

 

 

Read more...