Naaalarma ang World Health Organization (WHO) sa mga inilalabas na ulat ng Department of Health (DOH) na bumababa ang bilang ng mga nagpapabakuna bunsod ng kontrobersiya sa dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay WHO Country Representative to the Philippines Gundo Weiler, ang takot sa epekto ng Dengvaxia ay hindi dapat maging dahilan upang hindi pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak para sa iba pang sakit tulad ng beke, hepatitis, tigdas, tuberculosis at polio.
Anya, naging epektibo ang vaccination program ng DOH sa nagdaang taon laban sa mga sakit na ito at hindi dapat ikumpara ito sa sitwasyon ng dengvaxia.
Ayon sa datos ng WHO, nasa isa o dalawang milyong katao sa buong mundo ang naisasalba ng bakuna kada taon at inaasahang isang milyon pa ang masasagip kung mapapalawig lamang ang vaccination programs.
Iginiit pa ni Weiler na noong 2014 kung saan naitala ang higit-kumulang 58,000 na kaso ng tigdas at 110 ang namatay ay maaaring maging malala pa ang resulta kung hindi maaabot ang target para sa vaccination program.
Nananawagan naman ang DOH sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak bago magsummer-season kung kailan uso ang mga sakit tulad ng tigdas at bulutong.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, dapat magtiwala ang mga magulang sa mga bakuna na matagal nang ibinibigay ng kagawaran sa nakalipas na dekada.