Ayon kay Belmonte, mayroong labinganim na politiko at personalidad na pinagpipilian ang kanilang partido.
Gayunman, labing dalawang pwesto lamang ang kailangan upang mabuo ang senatorial slate ng partido liberal.
Ang tiyak lamang aniya na pasok sa tiket ay sina Senate President Franklin Drilon, Senators Ralph Recto at TG Guingona, at dating Senador Francis Pangilinan.
Kabilang naman sa matunog na mapapasama pa sa LP slate ay sina Justice Secretary Leila De Lima, dating Energy Secretary Jericho Petilla, at TESDA Director General Joel Villanueva.
Kahapon ay nauna nang sinabi ni Belmonte na dapat nang magpasya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino kung itutuloy niya ang pagtakbong Senador sa ilalim ng LP.
Makahulugang sinabi ni Belmonte na hindi na dapat idamay ni Tolentino ang partido sa iskandalo sa malaswang performance ng Playgirls na special gift daw nito sa kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao.
Ilang beses nang naurong ang pag-anunsyo sa Senatorial slate ng LP, pero tiyak na raw na matutuloy ito sa October 9.